Archive for the ‘MOVIE REVIEW’ Category

From left to right ( Seth,Jay with only mouth shown, James,Craig and Jonah at the bottom with only hairline shown)

From left to right ( Seth,Jay with only mouth shown, James,Craig and Jonah at the bottom with only hairline shown)

Sa totoo lang, wala talaga akong panlasa sa mga pelikulang wala namang katuturan. Kadalasan, ito ang mga pelikulang pang komedya, dahil ang unang bagay na pumapasok sa isip ko sa tuwing naririnig ko ang salitang iyon ay ‘katatawanan’ o nangangahulugan na ginawa lang ang pelikulang iyon upang mang-aliw. Iyon lang. Mang-aliw lang o magpasaya ng mga manonood ang tanging silbi ng ‘comedy films’. Ngunit, may isang pelikulang nakapagpabago ng aking pananaw.

Sa unang senaryo, inimbitahan ni Jay Baruchel si Seth Rogen sa kanyang bahay. Dahil sa silang dalawa lang ang naroroon, ano pa ba ang gagawin nila kung hindi maglasing,maglaro at magkalat. Ngunit nabagot din sila, kaya dumiretso na sila sa isang bahay-tambayan, kung saan marami ring kapwa artista nila ang nakikisaya. Nandiyan sila Rihanna, Emma Wattson at iba pa. Para sa akin, isang tipikal lang na pelikula ang aking nasaksihan. Tumawa rin ako siyempre dahil hindi naman talaga maiiwasan iyon sa mga comedy films. May eksena pa doon na pumunta sina Jay at Seth sa isang convenient store upang mamili ng alak hanggang sa may nakita silang mga ilaw na kumukuha sa mga tao. Para bang mga ilaw ng ‘aliens’, parang ganoon na hinihigop pataas ang sinumang masinagan nito.

Bukod pa doon, may eksena pa kung saan lumindol nang malakas at natibag ang lupa. Bilang karagdagan, nalaglag ang ibang nagtangkang tumakbo. Mayroon ring mga nakaligtas gaya nila Seth at Jay, kasama na rito sina Jonah Hill at Craig Robinson na kaibigan rin ni Jay.Mapalad sila na nakalagpas sila sa pangyayaring malapit na sa kamatayan, sapagkat kaunting tapak na lang ay mahuhulog na sila sa malaimpyernong bunganga ng lupa na tila ba ay kumukulo sa nag-aapoy na galit.

Sa aking palagay, magaling ang mga direktor ng nasabing pelikula dahil nagawa niyang gawaan ng istorya ang iba’t ibang taong may iba’t-ibang ugali. Si Craig na mapagmalasakit sapagkat iniisip niya lagi ang kapakanan ng mga kasamahan; si Danny (McBride) na makasarili noong inubos itinapon niya ang mga tubig at sinayang ang mga pagkain; si Jonah na masayahin ngunit wala sa lugar sa instansyang pinaglalaruan niya ang baril at tinututok ito sa mga kasamahan; si James (Franco) na mayabang. Si Jonah at Seth naman ay magkaparehas ng ugali dahil silang dalawa mismo ang sentro ng pelikula, kung saan silang dalawang ang mga pangunahing mga bida.

PAGKAKAIBIGAN (FRIENDSHIP)

Isa sa mga temang nangingibabaw sa pelikula. Kahit na sa kalagitnaan ng isang sakuna ay nagkakaroon ng sisihan, tampuhan o ano pa man, nanatili pa rin silang nagtutulungan. Oo at mayroon ngang makasarili ngunit sa totoo pala ay mabait siya dahil naisip rin niya na mas mahalaga ang buhay ng kanyang mga kasama kaysa mabuhay nang mag-isa. Nagustuhan ko rin ang parte kung saan pupunta sila sa isang abandonadong bahay upang maghanap ng makakain. Hinabol, nadapa. Nadapa, hinabol. Hindi naging dahilan ang sakuna upang hindi magtulungan ang mga magkakaibigan sa istorya ng pelikula. May sinapian, may nasugatan ngunit sa huli nanaig pa rin ang tatag ng kanilang pagsasama.

RELIHIYON (RELIGION)

Ito ang totoong tema ng pelikula para sa akin sapagkat nakasentro ito sa katapusan ng daigdig na may koneksyon sa bibliya. Base sa kwento, mawawasak daw ang daigdig at ang mababait lamang ang kukuhanin sa kalangitan. Ang mga natira naman na nangangahulugang mga hindi pinalad o hindi mababait ay mananatili na lang sa lupa hanggang sila ay hindi nagbabago. Nakasaad rin sa bibliya na mayroong nilalang na wawasak ng daigdig na sinabi sa pelikula.Naalala ko ang eksenang lumabas ang napakalaking nilalang na ito na may apat na ulo, at ito ay ayon sa propesiya. Isang halimaw na wawasak sa kasalanan ng tao, buong mundo at mga taong natitira.Nakaligtas kaya ang mga bida? Oo nakaligtas sila at isang halimbawa dito ay ang pag-angat ni Craig sa langit, dahil sa huli ay nagsisi siya sa kanyang kasalanan, kahit na imposible na ang umakyat sa langit ay dalawa sa isang pag-akyat lang. Sa kabilang dako, hihigupin na sana si James nang biglang namatay ang ilaw na siyang magliligtas sa kanya. Iyon ay sa kadahilanang siya ay nagmura pa at nagyabang sa kanyang pagtung-tong sa langit gamit ang ‘ F.U’ sign’ na nagsilbing hudyat na hindi siya karapat-dapat na kuhanin ng Maykapal. At sa kasamaang palad, kinain siya ng mga cannibals at ito ang katapusan ng kanyang buhay. Sa kasukdulan ng pelikula, nakatung-tong sa langit sina Jay, Seth at Craig. Nagbunga ang kanilang kabaitan at ang matagal nilang hiling na makasama ang Backstreet Boys ay natupad na rin.

ANO ANG NATUTUNAN MO SA PANUNUOD NITO?

Ang natutunan ko sa pelikulang ito ay ang pagmamahal sa kapwa. Kahit na masama ang loob ng kapwa mo sa iyo, mahalin mo siya kahit labag sa iyong kalooban. Subukan mo dahil ang pagmamahal sa kapwa ay parang pagmamahal din sa Diyos.Bukod dito, malinaw na ipinakita na nasa tao pa rin kung handa pa siyang magbago kahit na malapit na ang oras ng kanyang kamatayan. Sa madaling salita, hanggang may oras pa ay magbago tayo. Hindi tayo perpekto ngunit, ang unti-unting pagbabago ang magiging kasagutan sa kagustuhang makapiling Diyos Ama sa itaas. Ang pananampalataya natin ang magsisilbing daan sa kabutihan at kababang-tao sa hinaharap; sa oras ng paghahatol o Judgment Day.

Sana panuorin niyo ang pelikulang iyan. Hindi niyo pagsisisihan. Pangako iyan! 😉 Bye