Mga Ginto sa Aking Pitaka

Posted: January 28, 2015 in HOME, MY EXPERIENCE
Tags: , ,

barya

“It’s hard to find true friends in a sea of diamonds” -Chase Mckenzie.

Pauwi na ako sa aking tahanan nang malaman kong wala na palang barya ang aking pitaka. Gabi na at lalo akong nanlumo sa pagkadismaya dahil nagastos ko na ang mga barya sa loob nito. Nasanay kasi ako na laging may pisong barya lagi sa aking bulsa o sa aking kalupi. Bukod pa doon, mas nakakapag-ipon ako ng barya kaysa sa papel na pera.Hindi ko alam kung bakit,basta ganoon na lang ako mag-ipon.

Sa gabi rin na ito kung saan ako lang mag-isa ang naglalakad, may naalala kong bagay,Naalala ko ang aking matalik na kaibigan.Naalala ko yung mga tawanan namin habang nakatingin ako sa buwan. Natatandaan ko pa noong mga panahong estranghero pa kami sa isa’t-isa. Nasa pangalawang baitang pa lang ako nang makilala ko siya. Dahil bagong lipat lang kami sa lugar na iyon, naninibago pa ako lalo’t napakamahiyain ko pa ng mga araw na iyon. Lumabas ako saglit sa tabing kalsada at marami rin akong nakitang mga batang naglalaro. Nahihiya akong lumapit dahil bukod sa hindi ko kakilala sila, baka hindi rin ako nila isali sa laro nila.

“Sali naman ako”, banggit ng aking batang tinig.

Tumingin sila sa akin. Nagtinginan sa isa’t-isa. Nag-usap nang saglit. Tinanong pa nga ang pangalan ko at sa huli, sinali rin nila ako.

Makaraan ng ilang minutong paglalaro ng holen, nakilala ko rin sila. Magkakapatid pala sila. Simula noong makilala ko sila, sumaya na ang aking mundo. Hindi na ako mag-isa at may kasama na ako lagi. At dahil nga doon, nakilala ko ang isang kaibigang hindi ko inaasahang dadating. Simple lang siya. Hindi siya katangkaran ngunit siya ay masayahin. Sa musmos niyang isip, makikita mo na kaagad ang ngiting bumabatak ng kanyang pagkatao. At ang araw na iyon ang naging araw kung saan lagi na kaming magkasama.

Lumipas ang mga taon. Nasa ika-anim na siyang baitang at ako naman ay nasa ikalima. Masaya kami laging dalawa. Kahit dalawa lang kami ay kaya namang gawing maingay ang buong paligid. Mula sa kwentuhang nakakatakot hanggang sa kalokohan, siya lagi ang aking kasama. Sa taguan, sa patintero at sa tumbang preso, siya lagi ang aking kakampi. Kung naasan ang isa, nandoon din ang isa. Parang kapatid na rin ang turing ko sa kanya kaya kung minsan akong magawi sa kanilang tahanan, ang init ng pagsalubong ng kanyang ina sa akin at dahil nga dito, doon pa ako kumakain minsan o nagpapahinga. Nakakahiya sa bahagi ko ngunit kailangan kong ipagpasalamat ang lahat.

Nagtapos na kami ng elementaryang dalawa at kami pa rin ang magkasama sa paglalakad sa ilalim ng sikat ng araw. Mistulan na kaming mga negro sa itim noong mga panahon na iyon. Walang payong- payong sa kasagsagan ng kainitan at kahit ganoon masaya pa rin kami. Sa paglalaro ng basketbol o sa pagkokompyuter, lagi ko siyang kasama. Kahit sa away nagtutulungan din kaming dalawa. Kapag nabubugbog ang isa, reresbak din ang isa. Sa paggigitara kung saan siya ang nagturo sa akin, ako lagi ang bassist at siya ang lead.Parang kuya ang turing ko sa kanya. Parang teletubbies XD.Andiyan siya palagi kapag ako ay may problema.Kapag may problema sa pag-ibig at natotorpe ako sa isang babae, nanghihingi ako ng payo sa kanya. Ganoon din naman ako sa kanya. Handa ako laging makinig sa kanyang mga sasabihin.Sa bawat kalungkutang aking dinaranas, nandiyan pala ang kanyang balikat na aking sandalan. Sa mga panahong walang-wala na ako at gusto ko nang sumuko, nandiyan siya palagi sa akin.

Iyon ang mga panahong kay sarap balikan. Mga highschool days na kay sayang sariwain kasama siya.

Ngayong nasa kolehiyo na kami, malayo na kami sa isa’t-isa. Hanggang text at chat na lang kami. Kung minsan, skype na lang ang nagiging paraan upang kami ay mag-usap. At tuwing bakasyon, asahan ang walang humpay na batukan at tawanan kasama siya at ang kanyang mga kapatid. Ito ang mga taong una kong nakilala sa bagong lugar na aking kinagisnan. At dahil sa kanila, nagkaroon ako ng matalik na kaibigang nandiyan palagi para sa akin. Kaibigang nasa tabi ko sa loob ng labing-isang taon.Nagkaroon din ako ng mga kaibigang hinding-hindi ako iiwan kahit sa ibang lugar na ako naninirahan. Sa saya at luhang ating pinagsaluhan, kumpleto lagi ang barkada kasama ang matalik kong kaibigan.

Sa oras na ito, nakahiga na ako sa aking kama at binabalik-balikan pa rin ang mga pangyayaring hinding-hindi na mabubura sa aking puso’t isipan. Kay sarap magkaroon ng mga taong kagaya nila na dumating sa buhay ko nang hindi sinasadya. Makakatulog na ako nang mahimbing ng may ngiti sa labi pagkatapos ng isang nakakapagod na araw.

Oo nga pala, wala na namang barya ang aking kalupi. Bukas sisiguraduhin kong magtitira na ako ng ilang barya sa aking bulsa upang sa gayon ay maalala ko sila lagi.Sana ayos lang sila doon.

Pinikit ko na ang aking mga mata pagkatapos ng minutong nagdaan habang humihiling ng pagkakataong makasama ulit sila.

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s