Fieldtrip o Bus Joy Ride?

row.jpg
Rowdy Bus Ride 2 ni Amos Sewell

 

Parang pang karaniwan lang ang araw na ito para sa akin. Bitbit ko na naman ang kahel na bag na may halong itim sa aking likuran. Hindi na ito puno ng mga damit gaya ng bag ko noong nakaraang engcamp ngunit pagkain naman ang mga nasa loob nito. Kawawang hangin. Walang kapangyarihang gumalaw sa loob ng bag sapagkat nasasakop ng mga pagkain ang lahat ng espasyong nasa loob.

Ngunit,isang tipikal na araw lang ito para sa akin.

Katulad ng aking inaaasahan, medyo huli ang alis ng bus namin. “Magiging tao na ulit kami”, bulong ng iba habang papuntang Maynila.

Andiyan na naman ang mga gusaling nagpapataasan, ang maitim na usok ng siyudad at ang nakakainis na traffic jam.  Habang kami ay naglalakbay, ang dami kong napapansin habang ako ay nagmamasid; mga matandang nanlilimos, mga nagtitinda sa daan at mga pangkaraniwang taong naglalakad. Kung sana natutukan lang ng gobyerno nang maayos ang buhay ng mga taong ito, kaunti lang siguro ang manlilimos ngayon at mas lalong uunlad ang ekonomiya ng bansa. Naalimpungatan ako nang saglit at naisip na hindi ito ang oras para mag-isip ng mga bagay na masyadong malalim. Ang kailangan ko lang ay mag-enjoy sa fieldtrip na ito. Ngunit mag-eenjoy nga ba ako gaya ng isang taon?

Kaunting oras lang ay nakarating na kami sa unang destinasyon; ang Bacavalley na nasa San Pedro, Laguna. Noong una, napakainteresado ko sa pupuntahan na ito. “Wow, powerplant”, iyan ang una kong impresyon. Sa totoo lang, gusto ko lagi ang makapunta sa mga powerplant, dahil marami akong tanong sa isipan na hindi pa nasasagot. Ang mga higanteng makina, mga nagkikiskisang bakal at mga tubong nagtatayugan ay ilan lamang sa mga bagay na makikita sa isang planta.Bago namin malibot ang planta, nagsagawa muna ng mabilisang pag-iinform sa amin ang isang safety engineer ng Bacavalley. Wala pa sa kalahati ay inantok na ako dahil binabasa lang naman niya ang nakalatag sa tela na iniilawan lamang ng isang projector. Siguro ay dahil alam niyang mas mauunawaan namin ang mga prosesong kanyang binanggit kapag nakita na naman nang malapitan ang mga makina. Sa oras na ito, sinamahan na niya kami sa mga makina na ginagamit sa proseso ng pagkokonbert ng methane sa elektrisidad. Ang galing hindi ba? May silbi pala ang mga basura at dumi ng hayop sa paggawa ng elektrisidad. Akala ko ipapakita sa amin yung mismong mga proseso para lubos na maunawaaan kung paano nangyayari ang ganoong conversion process. Ipinakita lang pala ang mga kagamitan at kung ano ang nagagawa ng mga ito, na para sa akin ay nakakadismaya sa bahagi ko dahil gusto ko pa naman talagang makita kung paano kinokolekta ang methane mula sa landfill. Ganoon talaga minsan, may mga bagay kang gustong makita ngunit hanggang imahinasyon na lang ang mga iyon.

Umusad ulit kami. Kung gaano katahimik sa unang pinuntahan ay siya namang ikinaingay namin sa loob ng bus. Mas masaya sa loob ng bus kumpara sa unang destinasyon. Ang mga tinig na mababa at mataas ay naghahalo sa hangin na parang obra maestra, lalo’t may pangyayari pa kung saan ang lahat sa amin ay nakikisabay sa mga kanta sa telebisyon. Parang may party sa loob; hagis ng pagkain dito, hagis doon, at mga kamay na gutom na gutom sa biyaya. Nakakaliti rin sa tainga ang mga halakhak sa likod at mga nakababasag-salaming tawa sa bandang unahan. Hindi bale, kakain na kami ng pang-tanghalian ngayon.

Bago ito ha.Ngayon lang ako nakapunta dito.”, bulong ko sa aking sarili.

Mas lalo akong ginanahan nang nabasa kong ‘eat all you can’ ito. Hahaha!

At dahil may sumusuntok na sa aking tiyan, papaawat pa ba ako? At dahil minsan lang naman ito, papakawalan ko pa ba? XD

Upang masuklian ang aking pagkadismaya kanina, kinuha ko na ang lahat ng pagkaing nang-aakit sa akin. Uupo na sana ako nang nabasa ko na bawal pala magtira. Buti na lang at naubos ko ang aking kinuha at kung hindi baka magmulta pa ako.

Isang oras lang ata ang lumipas at umalis na rin kami sa Naks! Sarap resto. Tirik na tirik na naman ang araw at hudyat ito ng mahimbing na tulog, para sa iba ngunit para sa akin, ito ay hudyat ng paglalabas ng papel at lapis. Magsusulat na lang ako kaysa matulog. Habang sabay-sabay sa koro ang musika ng mga naghihilik at natutulog, hinawi ko nang katamtaman ang kurtina upang makasilay sa labas, kahit kaunti lang. Nakasulat ako ng isang tula ngunit hindi pa tapos (baka ipost ko ito sa susunod na blog ko). Wala pang 40 minuto ang nakakaraan ay dinapuan na rin ako ng antok. Hindi ko rin pala maiiwasan dahil ang hirap labanan. Halos 40 minuto rin ata ang aking mahimbing na pagkakahimlay sa aking bag bilang unan, wala pa rin kami sa susunod na lugar.

Ano ‘yun? Trapik na naman!!”

Nakakasira talaga ng magandang gising ang trapik, sabayan mo pa ng mainit na panahon. Malapit na pala kami. Ano naman kaya ang naghihintay sa amin dito? Sana naman hindi katulad ng una naming pinuntahan.

Isang munting kompanya ba ito o training center? Pagpasok  namin sa loob, ang daming gamit; salasalabat na electrical wires, mga circuits at iba pa. Isa pa itong corporasyon ng mga hi-tech devices. Nakalibot naman ako sa loob, at ang mga gamit palang ito ay tamang-tama sa aking kurso. Ang dami kong natutunan. Lalo na ang bagay na tungkol sa PLC, na siyang nagkokontrol sa ibang gamit na nakakonekta sa kanya. Ipinakita rin sa amin ang isang computer automated ( controller manipulated) na kurtina kung saan ay nagbubukas kapag pinindot ang isang button sa controller. Ito pala ang nagagawa ng mga bagay na ito. Sana magamit ko sila balang araw. Pero ayos ang pinuntahan naming ito kumpara sa una dahil mas nakita ko nang malapitan kung paano ginagamit ang mga bagay na iyon.

Saan na naman kaya ang next?”

Kakain na naman kami at mukhang hindi pa ito ang tamang oras para kumain. Akala ko ibang resto naman ang aming pupuntahan ngunit iyon pala ay yung kanina lang. Yung excitement sa pagkain kanina ay hindi ko na nadama ngayon. Marahil ay busog pa ako kaya kaunti lang ang kinuha kong pagkain ngayon.

“5:30 p.m. na at lowbat pa ang cellphone ko.”

Huling naming tatahakin ang landas patungong Market-Market, isang gusaling maihahalintulad sa SM at Robinson.Sandaling kalabit ng hangin mula sa aircon ang sumampal sa mukha ko na naging dahilan ng aking pagbalik sa naudlot na tulog kaninang hapon. Mas mahimbing ang tulog na ito kumpara kanina dahil malamig ang simoy ng hangin sa labas.

Nagising ako pagkaraang matulog ng isang oras at muli, trapik na naman pala. Halos 6:45 p.m na nang kami ay dumating. Medyo gabi na kami siguro makakauwi. Alas siyete na.

Bumaba sa bus para umihi. Naglibot libot ng kaunti at bumalik ulit pagkaraan ng isang oras. Ang bilis ng isang oras dahil hindi ko namalayan na ang bus na lang pala namin ang naiwan dito. Nakauwi na kasi ang ibang bus at lagpas 8 p.m. na nang nilisan namin ang lugar.

Ang tagal din ng biyahe. Mag aalas diyes na kasi nang kami ay nakababa sa FAITH. Uuwi na ako.

Habang naglalakad papauwi kasama ang isang kaklase, nagkatawanan pa kami nang saglit dahil may pasok pa nga pala bukas. Napagkasunduan din namin na mas masaya sa bus kaysa sa mga pinuntahan namin.

Naghikab ako at saglit na napatigil.

Fieldtrip nga ba ito o bus joy ride?

‘Yamo na nga hahaha. Ang mahalaga ay nakasama ko ang aking mga kakurso kahit sa isang araw lang. Isang kakaibang araw na puno ng saya, mga karanasan at pagtatawanang babaunin ko sa aming muling pagbalik sa paaralan kinabuksan.

 

 

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s