Tuwing maglalakad na lang ako sa daan ay parang walang tao sa paligid. Parang multo lang ako sa hangin na lumulutang sa kawalan.

Masyadong maliit ang mundong ito para sapgkn akin.Minsan nagtatanong na lang ako sa blankong espasyo kung bakit ganito ang aking nadadarama. Patingin-tingin lang ako samga puno na parang bata na sinusundan ang anino nito, na walang ideya na ako rin pala ay isang anino na tumatakbo sa landas ng aking buhay na umiikot. Isang aninong naghahanap ng kasagutang mahirap hagilapin.

Wala sa ere ang sagot sa aking mga katanungan.Iguguhit ko na lang ba sa hangin ang aking saloobin? Tutal wala namang nakakarinig sa akin. Kahit sumigaw ako nang malakas, tila ba bingi ang aking sinasabihan.Tadhana ba ang sumulat ng istorya ng buhay ko? Kung hindi, sino? Isang manunulat? Isang tanyag na makata?

Isa lang naman ang tanong ko. “Dito ba ako naangkop sa paraiso na walang kumukupkop?”

Ang lungkot ng pwersang bumabalot sa akin.Iniiwan ako nitong marupok tulad ng isang mahinang kahoy na napaglipasan na ng panahon.

Nakakasawa nang gumising ng may luha sa mata. Kung sana maitatapon ko lang ang mga luhang ito sa dagat at kukuhanin ko na lang ulit sa tamang panahon,gagawin ko.Nababalutan na ang puso ko ng pangamba. Pangambang baka ako ay kalimutan lang balang araw.Nagmamasid lang ako sa isang sulok. Nakatingin lang ako sa mga ulap habang bumubulong ng aking mga daing.

Dahil ang totoo, bago lang ang pakiramdam na ito sa akin.

Hindi ako sanay sa ganitong estado. Sanay akong hinahabol ang bahag-hari. Sanay akong sinusundan ang mga yabag ng paa sa dalampasigan.Sanay ako na laging nakangiti.

Ilusyon lang ata ang mga kasiyahang iyon. Panandaliang regalo lang sa akin.

Mabuti pa ang gitara nakakalikha ng musika. Ngunit ang buhay ko, hindi man lang madaanan ng harmonya nito. Kulang ang buhay ko sa kwerdas. Putol ang iba at ang natitira naman ay luma na.

Nabubuhay lang ako sa ilalim ng anino. Kulob.Masalimuot. Hindi nga siguro ko kabilang sa kanila. Sa alon ng maraming tao, lagi akong natatangay ng agos ng pagtataka. Sensyales ba ito ng kawalan ng pag-asa? O dahil naiiba lang ako sa kanila?

Nakaraan,Ang hirap mong balikan.At kung bibigyan ako ng pagkakataong bumalik, pipitas na lang ako ng mga bulaklak na nagbunga noong kapanahunan mo at hahayaang mabulok ang mga umusbong sa mga panahong nakaramdam ako ng pagkabalisa.Nangungulila ako sa init ng pagmamahal na nalasap ko sa nakaraan. Sariwa pa rin ang papel ng kahapon. Ang plumang pinanulat sa mga pahina ng aking pakikipagsapalaran ay nakahandusay na lang sa sahig.

Pinaasa ako ng kapalaran na posibleng makagawa ng paraisong gawa sa buhangin. Ngunit hindi pala. Ang nobelang umukit ng aking pagkatao ay kumupas na sa kalawakan.Naghintay ako na may maglalakas-loob na mabuhay kasama ako.

Sa huli, mas pinili pa rin nila ang pamumuhay sa ibaba ng mga bituin na patuloy na kumikislap.

At ito na ako ngayon. Isang ganap na pigurang uhaw sa ilaw.Busog na ako sa paulit-ulit na karanasang sinapit ko sa kadiliman. At mas pinili ko na rin ang buhay na ito.

Natanggap ko na sa sarili ko na ganito talaga ang buhay. Kailangan kong umusad. Kailangan kong mabuhay.

Kahit na isa na lang akong…

Silweta.

Advertisements
Comments
  1. keystring says:

    mahusay ang pagkakagawa 😀

    Like

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s